Mga isyu at suliranin sa ortograpiyang Kinaray-a
Page views
6,085Дата
2013Автор
Thesis Adviser
Defense Panel Chair
Share
Metadata
Показать полную информацию
Аннотации
Sa agarang pagpapatupad ng DepEd ng programa nitong ‘Tongue-Based Multilingual Education’ (MTB-MLE sa buong Pilipinas, isa sa mga kailangan ay ang pagtatag ng ortograpiya ng unang wika. Dahil wala pang naisumiteng Ortograpiya ng Wikang Kinaray-a sa naturang kagawaran, ang ibinigay ng DepEd na mga ‘Teaching Guide’ sa MTB-MLE sa mga paaralan sa Antique ay nasa rehiyonal na wikang Hiligaynon. Kaya’t ginawa ang pananaliksik na ito upang makatulong sa paglinang ng Ortograpiyang Kinaray-a. Hinangad ng pag-aaral na malaman una sa lahat, kung ano-ano ang nilalaman ng Ortograpiyang Kinaray-a batay sa mga ponemang segmental at suprasegmental; paggamit ng gitling at pagbabaybay. Ikalawa, ay kung ano- ano ang mga isyung kaugnay sa ortograpiya na nagpapalito sa mga guro sa paggamit ng Kinaray-a bilang wikang panturo alinsunod sa programang MTB-MLE. Ang ikatlo, ay kung ano-ano ang mga suliranin kaugnay sa mga isyu sa ortograpiya na nakasasagabal sa mga guro upang matagumpay na magamit ang Kinaray-a bilang wikang panturo sa MTB-MLE. Ang disenyong ginamit sa pananaliksik na ito ay palarawang kwalitatibo gamit ang ‘triangulation’ at ‘coding.’ Naging tagatugon sa pag-aaral na ito ang 19 na mga guro sa Kinder hanggang ikalawang baitang at 12 na piling mag-aaral sa ikalawang baitang sa Taong Panuruan 2012-2013, at pawang mula sa MTB-MLE Pilot Schools sa Dibisyon ng DepEd sa Antique. Ang 10 matatandang tagatugon naman ay yaong mga inirekomenda ng opisyal sa kanilang barangay at ilang tagasundo ng mga batang mag- aaral na nagpaunlak sa panayam. Ginamit sa pag-aaral na ito ang ‘voice recorder’ upang mairekord ang mga pahayag ng bawat tagatugon sa panayam na ginawa ng mananaliksik sa kanila. Dito nakuha ang datos gaya ng mga ponemang segmental at suprasegmental; at wastong bigkas ng mga salita sa Kinaray-a. Pagkatapos, binigyan ng pasulat na pagsusulit sa ispeling sa Kinaray-a ang bawat tagatugon at dito nakalap ang datos sa baryasyon sa ispeling, 'Confusion Index’ (%) at ranggo ng bawat ‘word’ sa Kinaray-a ayon sa mga guro, batang mag-aaral at matatandang tagatugon. Gumamit din ng talatanungan ang mananaliksik at dito nakuha ang datos na frequency count’, bahagdan (%) at ‘mean’ ng mga tugon ng pagsang-ayon o di-pagsang-ayon ng mga guro kaugnay sa mga isyu at suliranin sa Ortograpiyang Kinaray-a. Sa pagsusuri ng mga datos, natuklasan ng pag-aaral na ito ang mga sumusunod: (a) ang Ortograpiyang Kinaray-a ay naglalaman ng mga ponemang segmental, suprasegmental; gamit ng gitling at pagbabaybay. Ito ay hinango batay sa kinalabasan ng naunang pag-aaral nina Abadiano (1981), Mulato, Paguntalan at Ruelo (Delos Santos, 2003). Napasali na rin dito ang kinalabasan ng kasalukuyang pananaliksik at ibinatay naman sa resulta ng mga panayam at pagsusulit sa ispeling at mula sa mga aklat at iba pang nalathalang babasahin na may kinalaman sa Kinaray-a. Ang aktwal na kabuuang bilang ng mga ponema sa Kinaray-a ay 22 na ponemang segmental, 16 sa mga ito ang mga katinig: / p, t, k, ˀ, b, d, g, m, n, ŋ, s, h, l, r, w, y / at anim (6) naman ang mga patinig: /a, e, i, o, u / at ang katutubong ponemang 'pepet' na /i/; Katulad din ng Wikang Hiligaynon at Filipino, ang ponemang glotal /ˀ/ ay hindi binigyan ng katumbas na titik, lalo na kung ito’y matatagpuan sa unahan at hulihan ng salita. Sa halip, ito’y tinumbasan ng gitling (-), sa dahilang ito’y hindi normal na tulad ng ibang ponema. Samantala, ang ponemang /q / naman ay tinumbasan ng digrapo o dalawang letra na < ng > kahit na isang makahulugang tunog lamang ang isinasagisag nito. Dahil malayang nagpapalitan ang mga ponemang patinig na /i/ at /e/ at gayundin ang /o/ at /u/ dala ng impluwensya ng panghihiram sa ibang wika, nagdudulot ito ng pagkalito sa mga tagatugon. Sa kasalukuyan, ang katutubong ponemang /i/ ay walang sariling katumbas na simbolo sa Ortograpiyang Kinaray-a. Sa halip, ginagamitan ito ng titik < u > at nagiging kahawig ang baybay sa mga salitang Hiligaynon na kasingkahulugan ng salitang nagtataglay nito. Kung minsan, depende na lang sa konteksto kung kailan gagamitin ang < u > at < o >. Sa pamamagitan ng paggamit ng pares - minimal, napatunayan na ang bawa’t ponema sa Kinaray-a ay dapat lang na magkaroon ng isang katumbas na grapema o titik upang makasunod sa tuntuning “isa-sa-isa” o ang tinaguriang “isang tunog, isang marka”. Ayon sa resulta ng pananaliksik, mahalaga ang diin sa Wikang Kinaray-a bilang ponemang suprasegmental dahil ito ay ponemik kung kayat nakapagbabago ng kahulugan ng isang salita. Karaniwang nasa ikalawang pantig buhat sa huli ang diin ng salita. Subalit, ang naging resulta ng pagsusulit sa ispeling ay nagpapatunay din na walang indikasyon o pananda na ginamit ang mga tagatugon para sa diin ng salitang Kinaray-a. Tungkol sa paggamit ng gitling, lumabas sa resulta ng pagsusulit sa ispeling na nalilito ang lahat ng mga tagatugon sa paggamit ng gitling. Kinumpirma din ito sa resulta ng panayam kaya’t nangangailangan sila ng gabay tungkol dito.Tungkol naman sa pagbabaybay, ang bilang ng mga salita sa Kinaray-a na nakasama sa limang nagungunang mataas na ranggo na may mataas na baryasyon sa ispeling at ‘Confusion Index’, ayon sa mga guro at mga batang mag-aaral ay kapwa siyam (9) buhat sa 22 na kabuuang bilang ng mga 'test words'. Nagpapahiwatig ito na sa kasalukuyan, pareho lang na nalilito ang mga guro’t mag-aaral ngunit higit na nalilito ang mga bata. Lumabas din sa pag-aaral na, sa nangungunang ranggo, mataas pa rin ang ‘Confu Index’ na 70% ng mga matatanda kung ihahambing sa mga guro na 42.1 %, subalit higit na mababa ito kay sa mga bata na 83.3%. Lumabas sa resulta ng panayam sa mga guro na kapag sila ay may pag- aalinlangan tungkol sa Wikang Kinaray-a, nagtatanong sila sa mga matatanda sa kanilang pamayanan. Samantala, bilang sagot sa ikalawang katanungan tungkol sa mga isyu kaugnay sa ortograpiya na nakapagpapalito sa mga guro sa paggamit ng Kinaray-a, lumabas sa resulta ng pagsusulit sa ispeling, na kasama sa limang nangungunang ranggo na may mataas na bilang ng baryasyon sa ispeling at ‘Confusion Index’ ang mga salitang may kinalaman sa mga sumusunod na mga isyu: (1) simbolo ng ‘glottal stop' o impit na tunog (2) paglalapi, (3) paggamit ng gitling, (4) simbolo ng patinig na 'pepet ’ /i/, (5) panghihiram sa ibang wika, at (6) malayang pagpapalitan ng mga patinig na /e/ at /i/; at ng /o/ at /u/. Lumabas din sa resulta ng pag-aaral na ang ‘Mean Scores’ ng mga guro hinggil sa mga ISYU at SULIRANIN sa Ortograpiyang Kinaray-a ay nagpakita ng pagsang-ayon ng mga guro na ang mga nabanggit na isyu ay totoo ngang mga isyu lamang at hindi suliranin. Subalit, sa pagsusuri ng datos, nakita ng mananaliksik na may unang pangkat o kategorya ng mga isyu at ito ay nakakaapekto sa BAYBAY ng salita. Ang mga isyung ito na dapat linawin ay tungkol sa gamit ng gitling at ng magkasunod na patinig na/u/ at /o/ sa salita. Bilang sagot naman sa ikatlong katanungan tungkol sa kung ano-ano ang mga suliranin na may kinalaman sa mga isyu kaugnay sa ortograpiya na nakasasagabal sa mga guro upang matagumpay na magamit ang Kinaray-a bilang wikang panturo sa MTB-MLE, lumitaw sa pagsusuri na ang mga isyu kaugnay sa ortograpiyang ito ay nahati sa dalawang malaking kategorya ng BIGKAS at BAYBAY. Kung kaya’t ang mga isyung nagkabuhol-buhol sa dalawang kategoryang ito ay nagiging suliranin. Dito nakita ng mananaliksik na ang mga isyu at suliranin sa Ortograpiyang Kinaray-a ay magkakaugnay. Sa pagsusuri ng datos, may mga isyung nag-overlap sa kategorya ng BIGKAS at BAYBAY o parehong naaapektuhan ito, kaya’t nagdudulot ng matinding suliranin. Ang mga ito ang nakasasagabal sa mga guro upang matagumpay na magamit ang Kinaray-a na wikang panturo sa MTB-MLE. Nangunguna rito ang suliranin tungkol sa katutubong ponemang ‘pepet ’ /i/ sa Kinaray-a at ang panghihiram sa ibang wika. Nagpapahiwatig ito na kapag mabigyan ng solusyon ang mga ‘overlapping issues' na ito na nagiging suliranin, mangangahulugan na malaki ang maitutulong nito upang maging parehong wasto ang bigkas at baybay ng mga salita. Upang maging mabisa ang ortograpiya, ‘kung anong bigkas ay siyang baybay; at kung anong baybay ay siyang bigkas.” Dahil dito, magiging malinaw ang ortograpiya at mapapadali ang pagtuturo ng mga guro at ang pagkatuto ng mga batang mag-aaral. Kaya’t mahalaga na mabigyan ito ng prayoriti sa pagpapaliwanag ng mga suliranin sa Ortograpiyang Kinaray-a upang matagumpay na magamit ang Kinaray-a bilang wikang panturo sa MTB-MLE. Ayon sa mga guro, dahil nakasulat sa Wikang Hiligaynon ang mga Teaching Guide sa MTB- MLE na ibinigay sa kanila ng DepEd, kaya’t Ortograpiyang Hiligaynon ang kanilang sinusunod sa kasalukuyan.
Описание
Abstract only
Suggested Citation
Gico, E. T. (2013). Mga isyu at suliranin sa ortograpiyang Kinaray-a (Unpublished Master’s thesis). University of San Agustin, Iloilo City.
Type
ThesisDepartment
Graduate SchoolDegree
Master of Arts in Education major in FilipinoShelf Location
GSL Theses 378.242 G359 2013
Physical Description
201 leaves
Collections
- Theses [18]